Saturday, September 11, 2010

SULAT



"If you must reread old love letters, better pick a room without mirrors. "
~Mignon McLaughlin, The Second Neurotic's Notebook, 1966


gabi noon at maulan.. malamig at presko sa pakiramdam ang simoy ng hanging umiihip sa aking bintana. biyernes din noon at wala akong magawa, sa halip na manood ng dvd o kung anu pa man. minabuti kong magligpit at maglinis ng aking mga gamit.

tila ba dinaanan ng bagyo ang gamit ko. madami kasing nakatambak na hindi ko na naayos.. mayroong mga lumang resibo, tupi-tuping papel na akala mo'y napakaimportante ng laman. mga test papers na pasado, pasang-awa at bagsak ang nahalungkat ko ng sinubukan kong alisin ang drawer ng isang cabinet. pero isang bagay ang nagpahinto sa aking misyong magligpit. isang kahon na kulay green at may nakapulupot na goma ang aking nakita sa ilalim ng mga papel. kinuha ko ito agad kong binuksan.

mga love letters galing sa kanya.

sumalampak ako sa sahig at maingat na binuksan ang bawat sulat.. karamihan dito ay may petsa na taong 2001 pa.. may nakalagay sa yellow pad, pinilas na piraso ng notebook at iba pa. lahat ay para sa akin. puro kwento tungkol sa klase nila. mga gabing hindi ako nakatawag sa kanila. mga pag aalala nya sa kalagayan ko noong panahong nagkasakit ako. kantang isinulat at mga kwentong pag ibig at pagmamahalan.

hindi pa ganoon kauso ang cellphone dati. madalas ko syang sulatan kasi gusto ko sya. sa loob ng ilang buwan nakapalagayan ko sya ng loob. sa bawat sulat na pinadadala ko sa kanya ay may kalakip na dalanging sana ay nasa mabuti syang lagay sa mga oras na iyon.

matatapos ko ng basahin ang kahuli-hulihang sulat nga bigla akong makaramdam ng kakaiba. pakiramdam ko buhay pa at nabubuhay pa ang dati ko pang kinikimkim na pag ibig para sa kanya.

hindi. hindi pa din ito naglaho.

sa bawat basa ko sa mga sulat, para bang naririnig ko ang boses nya. andyan at buhay. siguro nga, hindi ko pa siya tuluyang nalilimutan. hanggang ngayon.

itinupi ko ang huling sulat habang ako'y nakahiga na sa sahig ng aking kwarto. dahan dahan kong ipinikit ang aking mga mata. nagbabaka-sakaling magpakita ka sa panaginip ko.

ang sulat mo sa akin ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon at lakas sa tuwing ako'y nanghihina.

aantayin pa ba kita? o hindi na?

Thursday, September 9, 2010

doon sa dasma



Smile at a stranger. See what happens.

~ Patti LuPone


mag-aala sais y medya na yata ng gabi noong nakita kitang sumakay sa bus na akin ding sinasakyan. noong nagtagpo ang mga mata natin bigla ko itong iniwasan, baka kasi mamya ano pang isipin mo. pero sa ilang saglit ikaw ay naupo sa aking tabi. naalala ko pa ang sinabi mo sa kundoktor ng bus "sa may libertad lang.."

mahaba-haba pa ang daang ating tatahakin. ilang kilometro pa ang layo natin sa ating destinasyon. habang nasa byahe hindi ko maiwasang pansinin ang amoy ng pabango mo. mabango sya, kung hindi ako nagkakamali.. amoy pulbos ng isang baby ang pabango mo. napansin ko din na tahimik ka at tahimik din ako.. kapuna-puna din ang katahimikang naghihiwalay sa atin.

nararamdaman kong sinusulyapan mo ang binabasa kong libro. medyo mabagal kasi ang byahe kaya nga mas pinili ko na lang magbasa kesa kausapin ka pa. pero alam mo, gusto ko yung ganung byahe.. mabagal at matrapik.. mas pinatatagal kasi neto ang pagsasama nating dalawa. pero hindi. may ibang plano ang tadhana para sa atin. pinabilis neto ang paghihiwalay natin.

mula sa fly-over tanaw ko na ang mga poste ng ilaw ng coastal. hudyat ito na malapit na tayo sa ating pupuntahan. pero hanggang sa mga oras na yun, tikom pa din ako. walang masabi. ni walang paraan para iyong mapansin na gusto kitang kausapin. matatapos na ang biyahe, paubos na ang pagkakataon. at ang kinaiinisang eksena ay nangyari na nga.. bigla kang tumayo at bumaba ng bus.. akala ko hindi ka na lilingon pa pero parang nadinig mo ako.. at habang dahan dahang umaandar ang bus.. sinubukan ko ang tila imposibleng gawin. nginitian kita.

hindi ko lang alam kung ngumiti ka pabalik.

ang alam ko lang.. pareho tayong kapwa estranghero sa bus.. may kanya-kanyang lakad. kanya-kanyang buhay at kanya-kanyang destinasyon. malamang na isang beses lang kita makakasabay sa bus pauwi. isa lang sana ang gusto kong sabihin sayo noong pababa ka na..


Ingat ka.








**kating-kati na ang mga kamay kong isulat ito kanina.. **

JEK & PILO vs VETSIN



A man has to live with himself, and he should see to it that he always has good company.

dahil sa isang request. susulat at nagkukwento ako.
si Pilo na yata ang isa sa mga tropa ko sa seminaryo na mahilig sa chichirya.. may sarili syang tawag sa chichirya. Vetsin. siya din yata ang madalas kong nakakasama sa mga munting salu-salo ng vetsin.

noon, sa tuwing lalabas kami para magturo sa aming catechism class.. madalas syang magpabili ng chichirya.. at kapag sumapit na ang gabi.. vetsin time na. naalala ko noon, walang okasyon. bumili kami ng coke na 1.5 at 2 pakete ng magkaibang chichirya, nagtago kami sa likod ng mga sinampay na damit at doon kumain ng palihim habang nagkukwentuhan sa ilalim ng sikat ng buwan. biglang may pumasok at pagkatapos ay nagsampay ng kanyang mga damit.. dali-dali kaming natigil sa pag nguya sa maingay na chichirya. buong akala namin hindi kami napansin.. bago pa sya makalabas, nagsabi sya ng ganito "patayin ko na ilaw mga brad ha." pero sa totoo lang.. wala naman kaming pakialam sa sinabi nya.. ang importante ay maubos ang chichirya.

isa pa sa mga hilig naming gawin ay ang sawsawan na lalagyan ng chili oil. eto ang nagpapasarap at nagpapadagdag gana sa amin kapag kakain. alam ko nga e, sya ang nag aabot sa akin ng mga napitas nyang sili sa likod ng seminaryo. pinipitas nya to habang nagrorosary ang batch nya o di naman tuwing meditation time. kapag daing na bangus ang dinner namin.. gumagawa yan ng espesyal na sawsawan. suka, bawang, paminta at sili.. at pagdumating na ang dinner.. hinahatian nya ako kahit konti.

hindi puro vetsin moments ang madalas mangyari sa amin.. minsan na din kaming pumapak ng cheese spread sa infirmary.. nauuna siya minsan sa refectory after ng eucharistic visit.. mabilis pa sa alas kwatro ika nga nila.. paano ba naman, kapag nauna ka sa refectory maaring maabutan mo pa ang masarap na nakatabing tanghalian o di naman kaya'y extrang ulam.

masarap ngang kumain kung may kasama kang kasing hilig ding kumain gaya mo.. pero wala na talagang tatalo sa "moment" na ganun. nagsasalo sa mga kuru-kuro ng buhay. mga galit sa paligid.. lahat napag uusapan kapag kaharap na ang isang malamig na coke at sangkatutak na VETSIN.



"ngayong taon.. susubukan naman namin kung kaya na naming mag isaw at cheese burger.
"

payong








sa ilalim ng payong
nakatayo tayo parang iisa
bagsik ng ula'y hindi alintana
sapagkat tayo'y magkasama

sa ilalim ng payong,
ang maikling sandali ay lumilipas
at pagsumapit na ang wakas,
alaala mo'y hindi na makakaalpas

sa ilalim ng payong
natapos ang paghahanap
sa binubuo kong pangarap
yun ay ang makapisan ka sa hinaharap

Saturday, September 4, 2010

JEK vs FOOD (2)

"For the chicken the egg demands involvement, but for the pig bacon demands total commitment."
John Price



sa bawat lugar o bayan, mayroong bagay itong ipagmamalaki. ang mga magagandang lokasyon at syempre. PAGKAIN o KAINAN. tila ba treasure hunting ang paghahanap para sa isang kainan na may tatlong (3) M.. Masarap, Mura at Malinis.. (at pang apat na M.. Madaming magserve..) kaya nga sa tuwing makakatuklas tayo ng mga ganyan.. gusto natin agad itong ikwento sa iba, isuggest sa iba.. halos jackpot nga kung ito ay maituring.

sa bawat lugar merong isang sikretong kainan ang naghihintay na matikman at madiskubre. kagaya na lang sa amin, dito sa Balic-Balic, Manila. mayaman sa masasarap na kainan ang lugar namin.. mayroon talaga yung tinatawag na "kilala". eto yung lugar na kung saan matatagpuan mo ang mga PINAKA. ( masarap, mahal, mura, malinis, madumi etc. )

kapag konti, bitin. kapag marami.. OK! yan ang kadalasang gusto natin sa isang pagkain. yung maliligayahan tayo at susulitin ang mga ibabayad natin. kumbaga, tutumbasan neto ang salaping ilalabas mo. yun naman yata talaga ang importante.

para sa akin, ang pagsabak sa isang eat-all-you-can ay parang pagsabak sa isang misyon. madaming dapat paghandaan.. una na siguro dito ang iyong tiyan. siya ang sasalo sa lahat ng ipapasok mo sa bibig mo kaya mainam lang na isaalang-alang mo ang iyong tiyan. pangalawa, gumawa ng isang PLAN.. o STRATEGY.. kung maari libutin mo muna ang mga nakahain, isa isip na hindi dapat dampot lang ng dampot at kain lang ng kain.. kailangan mong ienjoy ang eatallyoucan meal mo! grrr! matapos malibot at makahanap ng iyong target na kakainin.. ayusin mo sila sa paraang hindi ka mabubusog agad.. naalala ko, sa sobrang paborito ko ang lechong baboy, yun agad ang pinapak ko.. nang maramdaman kong unti-unti akong bubusugin nito.. lumipat ako ng kakainin.. at sa tuwing makakaramdam ka na ng kabusugan. TUMIGIL. mas mabuti pang huminto ka kesa sa magsayang ka ng pagkain.. tandaan, madaming nagugutom sa paligid-ligid.






**sana dumating ang panahon na, wala ng gaanong mga feeding program.. kasi ibig sabihin lang nun.. nakakakain na ng tama at sapat ang ilang pamilyang nagugutom.**



3 M na bigla kong naisip.. "Magbahagi, Magtipid at Magpasalamat."

Friday, September 3, 2010

JEK vs FOOD

part 1

Great food is like great sex. The more you have the more you want. ~Gael Greene

sabi naman ng nanay ko "anak, wag paglaruan ang pagkain.."


lahat yata ng bagay tungkol sa pagkain e masarap. eto ang isa sa mga paborito kong gawin.. ang kumain at lahat ng bagay na nakadikit pa dito. (paghahanda, pagluluto at pagtikim) mahilig akong manood ng mga cooking shows noon.. magmula pa sa panahon ng del monte kitchenomics hanggang sa mga shows na napapanood natin ngayon.

hindi ako malakas kumain.. MASARAP akong kumain.. para sa akin, malaki ang pinagkaiba ng dalawa. ang masarap kumain ay naliligayahan kapag kasama ang tropa o mga kaibigan. kabaligtaran naman ito ng malakas kumain. ang tingin nya sa mga kasama nya ay kalaban sa kainan. madami na akong nakitang ganyan.. sa seminaryo may pangilangilan na ganyan.

pangarap ko noon ang maging guest sa isang cooking show. sa tuwing napapanood ko kasi ang host na pinatitikim ang guest ng kanilang "featured recipe" wala itong masabi kundi ang sikat na sikat na.. "hmm, ang sarap.. lasang lasa ang.. blah blah.." kelangan talaga sigurong sabihin ang linyang ito para ma-engganyo ang mga manonood. minsan na din ako nakapanood ng paggawa ng isang cooking show. inantay ko ang librang tikim.. pero sa sobrang tagal ng shooting.. umuwi na lang akong gutom.

sa tuwing naiisip ko ang paghahanda ng pagkain, isa lang nasasabi ko sa sarili ko. parang napaka unfair. halos 30mins kang maghahanda pero sa loob lamang ng 5 minuto.. taob na agad ang plato mo.. pero minsan ayos lang naman yun.. hindi yata maganda ang pagkain kapag minamadali mo.. may mga pagkaing dinesenyo para sa matagalang paghahanda at meron naman para sa madalian.. gaya ng mga de lata.



**ipagpapatuloy ko na lang po...**



parang sa pagkain. dalawang bagay lang ang ayaw ko.. yung ubos na at bitin ka.