Thursday, September 9, 2010
doon sa dasma
Smile at a stranger. See what happens.
~ Patti LuPone
mag-aala sais y medya na yata ng gabi noong nakita kitang sumakay sa bus na akin ding sinasakyan. noong nagtagpo ang mga mata natin bigla ko itong iniwasan, baka kasi mamya ano pang isipin mo. pero sa ilang saglit ikaw ay naupo sa aking tabi. naalala ko pa ang sinabi mo sa kundoktor ng bus "sa may libertad lang.."
mahaba-haba pa ang daang ating tatahakin. ilang kilometro pa ang layo natin sa ating destinasyon. habang nasa byahe hindi ko maiwasang pansinin ang amoy ng pabango mo. mabango sya, kung hindi ako nagkakamali.. amoy pulbos ng isang baby ang pabango mo. napansin ko din na tahimik ka at tahimik din ako.. kapuna-puna din ang katahimikang naghihiwalay sa atin.
nararamdaman kong sinusulyapan mo ang binabasa kong libro. medyo mabagal kasi ang byahe kaya nga mas pinili ko na lang magbasa kesa kausapin ka pa. pero alam mo, gusto ko yung ganung byahe.. mabagal at matrapik.. mas pinatatagal kasi neto ang pagsasama nating dalawa. pero hindi. may ibang plano ang tadhana para sa atin. pinabilis neto ang paghihiwalay natin.
mula sa fly-over tanaw ko na ang mga poste ng ilaw ng coastal. hudyat ito na malapit na tayo sa ating pupuntahan. pero hanggang sa mga oras na yun, tikom pa din ako. walang masabi. ni walang paraan para iyong mapansin na gusto kitang kausapin. matatapos na ang biyahe, paubos na ang pagkakataon. at ang kinaiinisang eksena ay nangyari na nga.. bigla kang tumayo at bumaba ng bus.. akala ko hindi ka na lilingon pa pero parang nadinig mo ako.. at habang dahan dahang umaandar ang bus.. sinubukan ko ang tila imposibleng gawin. nginitian kita.
hindi ko lang alam kung ngumiti ka pabalik.
ang alam ko lang.. pareho tayong kapwa estranghero sa bus.. may kanya-kanyang lakad. kanya-kanyang buhay at kanya-kanyang destinasyon. malamang na isang beses lang kita makakasabay sa bus pauwi. isa lang sana ang gusto kong sabihin sayo noong pababa ka na..
Ingat ka.
**kating-kati na ang mga kamay kong isulat ito kanina.. **
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment