Saturday, September 11, 2010

SULAT



"If you must reread old love letters, better pick a room without mirrors. "
~Mignon McLaughlin, The Second Neurotic's Notebook, 1966


gabi noon at maulan.. malamig at presko sa pakiramdam ang simoy ng hanging umiihip sa aking bintana. biyernes din noon at wala akong magawa, sa halip na manood ng dvd o kung anu pa man. minabuti kong magligpit at maglinis ng aking mga gamit.

tila ba dinaanan ng bagyo ang gamit ko. madami kasing nakatambak na hindi ko na naayos.. mayroong mga lumang resibo, tupi-tuping papel na akala mo'y napakaimportante ng laman. mga test papers na pasado, pasang-awa at bagsak ang nahalungkat ko ng sinubukan kong alisin ang drawer ng isang cabinet. pero isang bagay ang nagpahinto sa aking misyong magligpit. isang kahon na kulay green at may nakapulupot na goma ang aking nakita sa ilalim ng mga papel. kinuha ko ito agad kong binuksan.

mga love letters galing sa kanya.

sumalampak ako sa sahig at maingat na binuksan ang bawat sulat.. karamihan dito ay may petsa na taong 2001 pa.. may nakalagay sa yellow pad, pinilas na piraso ng notebook at iba pa. lahat ay para sa akin. puro kwento tungkol sa klase nila. mga gabing hindi ako nakatawag sa kanila. mga pag aalala nya sa kalagayan ko noong panahong nagkasakit ako. kantang isinulat at mga kwentong pag ibig at pagmamahalan.

hindi pa ganoon kauso ang cellphone dati. madalas ko syang sulatan kasi gusto ko sya. sa loob ng ilang buwan nakapalagayan ko sya ng loob. sa bawat sulat na pinadadala ko sa kanya ay may kalakip na dalanging sana ay nasa mabuti syang lagay sa mga oras na iyon.

matatapos ko ng basahin ang kahuli-hulihang sulat nga bigla akong makaramdam ng kakaiba. pakiramdam ko buhay pa at nabubuhay pa ang dati ko pang kinikimkim na pag ibig para sa kanya.

hindi. hindi pa din ito naglaho.

sa bawat basa ko sa mga sulat, para bang naririnig ko ang boses nya. andyan at buhay. siguro nga, hindi ko pa siya tuluyang nalilimutan. hanggang ngayon.

itinupi ko ang huling sulat habang ako'y nakahiga na sa sahig ng aking kwarto. dahan dahan kong ipinikit ang aking mga mata. nagbabaka-sakaling magpakita ka sa panaginip ko.

ang sulat mo sa akin ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon at lakas sa tuwing ako'y nanghihina.

aantayin pa ba kita? o hindi na?

No comments:

Post a Comment